January 12, 2025

Emmanuel "Manny" F. Piñol

Official Website

Ito ang bagong uso.. ‘BALAT CACAO’ NA BA ANG MGA POLITIKONG PILIPINO?

Ni Manny Pinol
Dati, maraming naiinis sa mga politikong kaagad-agad ay nagre-react sa mga isyu laban sa kanila na may halong galit o pagkayamot.
Ang tawag sa kanila “Mga balat sibuyas.”
Sa Ingles, “onion-skinned.”
Ganyan ang kawikaan at tawag sa mga politikong sensitive sa mga issues.
Pero unti-unti ang “balat sibuyas” ay naging “manhid,” tapos “dedma,” at kalaunan naging “kapalmuks.”
Ngayong panahon na nagiging uso ang pagtanim ng cacao, isang prutas na pinagkukunan ng mga buto na ginagawang tsokolate at may ubod na kapal na balat, biglang lumutang ang bagong kawikaan na ginagamit upang ihalintulad ang mga politikong Pilipino – Balat Cacao.
Tugma! Tumpak!
Talaga namang napaka-kapal at napakatigas ng balat ng Cacao na kailangan mong gumamit ng itak para biyakin ito ang makuha ang mga matatamis na buto na pinapatuyo at niluluto para gawing tsokolate.
May katuturan ang paghahalintulad ng mga politikong Pilipino sa balat ng Cacao.
Tingnan mo nga naman itong mga nangyayari ngayon.
Mismong Senate President na si Senador Franklin Drilon nadawit na sa overpricing ng konstruksyon ng Iloilo Convention Center (ICC) na ang contractor ay mismong kompanya na sya ring gumawa ng kontrobersyal na Makati City Hall Bldg II ni Vice President Jojo Binay at diumano’y overpriced din.
Sa halip na magpalabas kapanipaniwalang paliwanag, ang sabi ni Senador Drilon ay: “baseless, malicious, and ridiculous.”
Wala na bang ibang linya na pwedeng gamitin? Mukhang ginamit na yan ni VP Binay at ng kanyang mga kakampi. Buti na lang di nila inaplayan ng copyright.
Ito namang si Chief PNP Alan Purisima, noong mabulgar ang pagtanggap nya ng donasyon mula sa negosyante para magpatayo ng White Mansion na tirahan nya at ang kanyang multi-milyon na rest house sa Nueva Ecija, ang sabi ay maniobra daw ang mga isyu laban sa kanya ng mga nasagasaan nya sa kampanya laban kriminalidad at korupsyon.
Sabi ng mga Cebuano: “Sa imong mata!”
Pero ang hindi mapantayan ay itong inaasal ni Vice President Jojo Binay.
Hwag na nating pagtalunan kung meron bang overpricing sa Makati City Hall Bldg II o wala.
Pag-usapan na lang natin ang kanyang pagsisinungaling.
Sinabi nya na hindi kanya ang lupa sa Rosario, Batangas na tinatawag ng kanyang mga kritiko na Hacienda Binay.
Pero noong 2010, inamin nya sa isang interview na ginawa ni Raissa Robles ng South China Morning Post na nabili nya ang lupa sa halagang P30 kada metro kwadrado.
Yan na nga ba ang sinasabi nila: “The truth exists infinitely; Lies are temporary creations.”
Sabi nya wala syang binili na lupa sa Rosario, Batangas pero merong matandang babae, si Maria Guico, na nagsasabing nagpunta si dating Makati Mayor Jojo Binay sa kanyang bukid dalawang beses pagkatapos nyang bayaran ang lupa ng sakiting matanda.
Ang nakakapanindig balahibo ay noong sabihin ni VP Binay kay Lynda Jumilla ng ABS-CBN na “sa (mata ng) Diyos at sa (mata ng) tao” wala syang ginawang masama.
Kung si VP Binay ay maaring tawaging Number 1 sa listahan ng mga “Balat Cacao,” maaring pumasok sa pangalawa ang batang Kongresista ng Navotas na si Toby Tiangco.
Si Tiangco, na dati ay titingnan ng mga political observers na isa sa mga bagong mukha sa politika na dapat subaybayan, ay nagpapakita ng mga indikasyon ng pagkahawa ng “Balat Cacao” political culture.
Mantak mong sabihin nya na hindi dapat makiharap si Vice President Binay sa isang debate kay Senador Antonio Trillanes dahil si Trillanes daw ay “liar.”
Dumadami nang dumadami ang mga “Balat Cacao” sa politika at sa government service at siguro exciting na gumawa tayo ng mga listahan ng mga “Balat Cacao.”
Ang gantimpala sa Top 10 isang box ng tsokalate.
Hala sige, ilista na!
https://l.facebook.com/l.php?u=http%3A%2F%2Fnewsinfo.inquirer.net%2F647703%2Funa-readies-binays-political-ad-for-tv%3Ffbclid%3DIwAR0iO1N_fpDRuUrd77gR3qSVdJ0i7NgDaYgrh8FJGnthjqyqNTnU42NnsPs&h=AT1aIqYSrBdo-p2GcsuVCSDc1SKwZWp7kwj9dbzCk3aBrvBgQplFL8wDsTOd2s7rxyOARZMutJ0EcWVhLMz1QvfzGf_VCtnS9BXR8Wmdj3pMl0E3ARHfYr-C8idTfecnElAhNuX0FqZZCRPKOw0&__tn__=%2CmH-R&c[0]=AT1WnxkoeAGYeAC0_uFvSVQy4-OFnniU9-J5_EDLc3wVRRdpxrCwjTlxaLCJMyx3-EXSo2AAkYWs856mwT20c0tI4dzbIJ5acUgKiAdsVyF2cfQuHdcG2xvswGMCt8Zl5S1BHgTrEzwHWND_f2rBoQAgMGVUu_DJ46BjrBpeeBO_