January 14, 2025

Emmanuel "Manny" F. Piñol

Official Website

Kagilagilalas na pagsisinungaling! BARAHA NG MAYAMAN KONTRA MAHIRAP GAMIT NA NI VP BINAY PAMPIGIL SADSAD NG KANDIDATURA

Ni Manny Pinol
Ang mga politiko ay parang mga artista na palaging nagpapapogi at nakangiti para makuha ang simpatiya at bumilib ang mga botante.
Pagyayabang, pagsisinungaling, pagpapakita ng kunwari malungkot na mukha sa lamay ng mga patay na di naman nila kilala, paghalik sa baby na hindi nga nila alam kung sino ang mga magulang at pagyakap sa mga nanggigitatang mga matatanda. Lahat ng mga kaplastikan na ito ay tanggap sa daigdig ng politika.
Sa harap ng mga eskandalo na nagbigay panganib sa kanyang paghawak sa posisyon ng pagka Pangulo ng Pilipinas na minana nya kay Joseph Estrada noong 2001, nagpahayag si Gloria Macapagal Arroyo na hindi na sya tatakbo sa pagka Pangulo sa eleksyon ng 2004.
Sa kabila ng kanyang pangako na nagpakalma sa kanyang mga kritiko, tumakbo din si GMA at sa kabila ng mga akusasyon na dinaya nya si Fernando Poe Jr., natapos nya ang kanyang pangalawang termino bilang Pangulo hanggang taong 2010.
Sabi ni GMA “I’m sorry!” noong mabuking ang Garci tapes na kung saan narinig syang nakikipag-usap kay COMELEC Commission Garcillano kung ilan ang ilalamang.
Alam ng mga Pilipino noon na nagsisinungaling si GMA pero hinayaan lang. Pati ang bayarang media ay di na rin kinalkal ang kwento.
Pero hanggang saan puedeng magsinungaling ang mga politiko na puede pang ipagkibit balikat ng mga Pilipino?
Ang ating problemadong Bise Presidente Jejomar Binay ay huling-huling nagsinungaling noong ideklara nya na hindi sa kanya ang malawak na lupain sa Rosario, Batangas na tinatawag ng kanyang mga kritiko na “Hacienda Binay,”
Ang mga pruweba?
Isang tape recorded interview noong 2010 na ginawa ni Raissa Robles ng South China Morning Post na kung saan dinig na dinig ang boses ni Binay na nagsasabing binili nya ang lupain sa Rosario sa halagang P30 ang metro kwadrado at isang ABS-CBN interview sa sakitin at matandang Batanguena, si Maria Guico, na nagsabing si Binay ang bumili ng kanyang lupain na binenta nya dahil may sakit sya noon 2004 at dalawang beses pa daw pumunta sa kanyang lupa ang dating Mayor ng Makati.
Diniklara din ni Vice President Binay na dadalo lamang sya sa hearing ng Senado kung ang Senate Blue Ribbon Mother Committee na ang chairman ay si Senador TG Guingona ang magsasagawa ng hearing. Ngayon kasi, isang sub-committee lang na hawak nina Senadores Koko Pimentel, Alan Peter Cayetano at Antonio Trillanes ang nagsasagawa ng hearing.
Noong isang linggo nagpalabas ng statement si Senate Blue Ribbon Committee chairman Guingona na tinatanggap ng komiteba ang hiling ni Vice President Binay at kanyang inanyayahan na dumali ito sa hearing ng Mother Committee.
Ano ang nangyari? Biglang tumahimik ang kampo ni Bise Presidente Binay. Pruweba ng kasinungalingan na may halong panlilinlang.
Sa isang pangyayari pa at siguro dahil na rin sa pagpikon at pagkainis, hinamon ni Vice President Binay si Senador Trillanes sa isang debate “maski saan at maski kailan” pero noong tinanggap ni Trillanes ang hamon biglang kumambyo ang ihip ng hangin at natahimik na naman ang kampo ng bise presidente.
Noong nakaraang linggo, pagkatapos nyang laitin ang administrasyon ng Pangulong Noynoy Aquino, humiling ng meeting si Bise Presidente Binay sa Pangulo para siguro magpaliwanag.
Pagkatapos ng meeting sa Malacanang, lumabas si Bise Presidente Binay na parang masiglang masigla at nagpahayag na lalong tumindi ang kanilang pagkakaibigan ni Pangulong Noynoy.
Noong sumunod na araw nagpalabas ng pahayag ang mga tagapagsalita ng Bise Presidente at sinabing sinabi daw ng Pangulo na handa nyang tulungan si Binay sa kinakaharap nitong problema.
Halatang napikon ang Pangulo sa maling pahayag sapagkat di kalaunan ay nagsalita ng personal ang Pangulong Noynoy at nagsabing baligtad ang kwento ng kampo ni Binay.
“Baligtad yata. Sya ang humingi ng tulong kung paano itigil ang imbestigasyon ng Senado,” sabi ng Pangulo.
Ang paliwanag ng Pangulo ay parang batok kay Bise Presidente Binay at sa kanyang kampo at ang sinumang may kaunting paggalang sa sarili at delicadeza ay siguro nagbitiw na sa gabinete mantakin mong mismo ang Presidente ang parang nagsabing “Nagsisinungaling kayo.”
Pero binale-wala ni Bise Presidente Binay ang pagkapahiya sa public. Nilibot nya ang mga probinsya at doon sya nanghingi ng simpatiya sa mga taong mahihirap na wala masyadong access sa internet at sa mga kritikal na media.
Sa isang kagilagilalas na pagsisinungaling at panlilinlang sa mga mahihirap na taumbayan, hinugot ni Bise Presidente Binay ang kanyang huling baraha upang isalba ang bumabagsak nyang pangarap na maging Pangulo ng Pilipinas: Sya daw sa inaapi ng mga mayayaman sapagkat siyay mahirap lamang na gustong tumulong sa mga mahihirap.
Sa isang interview ng local radio station, iniulat ni Julie Alipala ng Philippine Daily Inquirer na sinabi ni Bise Presidente Binay na ang mga isyu laban sa kanya ay bahagi ng maitim na balakin ng mga mayayaman na hwag payagan ang isang mahirap at maitim na balat na batang tulad nya na makapagsilbi sa mga mahihirap.
Marami na akong narinig na pagyayabang at kasinungalingan sa politika, subalit itong ginawa at sinabi ni Bise Presidente Binay sa Pagadian City ay walang kapantay.
Ang malas lang ni Bise Presidente Binay ay mali ang kanyang paniwala na kung mahirap ka ibig sabihin ignorante ka, mangmang ka at madaling utuin.
Sa kabila ng pagtulong ng iilang bayarang miembro ng medya na binabalewala ang mga patunay ng kasinungalingan ni Bise Presidente Binay at ang kanyang mga kaalyadong mga politiko na wala nang naiwang paggalang sa sarili at delicadeza na nagsasabing Okey pa rin sya at kaya nyang lusutan ang bagyo, ang kwento ng yaman ni Binay at ang kanyang desperadong pagsisinungaling para laban makamit ang minimithing pagka Pangulo ay alam na maski ng mga batang paslit, salamat sa social media at sa mga kasapi ng media na hindi nasisilaw sa pera.
Alam din naman ng mga mahihirap at ng mga bata kung ano ang kasinungalinan kung marinig nila.
(Paunawa: Ito ang unang tangka ko sa pagpost sa Tagalog na may halong English. Paki feedback lang po kung naintindihan ninyo. Salamat po.)